NUEVA ECIJA – Isang preso sa Jaen Municipal Jail ang natagpuang patay ng kanyang kapwa preso sa loob ng comfort room nito noong Huwebes ng madaling-araw sa Jaen ng lalawigang ito. Kinilala ng pulisya ang namatay na detenido na si Orlando Ocampo y Malgapo, 57, ng Barangay Dampulan, Jaen. Sa record. napag-alaman na si Ocampo ay sinampahan ng kasong parricide sa pagkamatay ng kanyang kabiyak na si Ma. Nida Ocampo y Musende. (Christian Ryan Sta. Ana)
Retirado dinedo
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City — Isang retiradong miyembro ng Phil. Army ang nasawi matapos tambangan at pagbabarilin ng mga miyembro ng rebeldeng new People’s Army kamakalawa ng gabi sa Bongcayao St. Barangay Sagrada, Baao, Camarines Sur. Nakilala ang biktima na hindi na umabot pa ng buhay sa Rabusa Hospital na si Ret. MSgt. Rodolfo Talasan, 50, may asawa at residente ng naturang lugar. (Ed Casulla)
Ex-police nag-suicide
KIDAPAWAN CITY – Isang dating pulis na si Rolando Tatad, 45, ng Madrid Subdivision, Kidapawan City ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili sa loob ng kanyang bahay kamakalawa ng hapon.
Katatapos lamang ni Tatad magpakain ng kanyang mga alagang baboy, kasama ang kanyang anak na babae nang tumuloy ito sa kwarto nila ng kanyang asawa.
Una na siya’ng nagtangkang magbigti, gamit ang kanyang sinturon pero natunugan ng kanyang asawa na dali-daling nagtungo ng kuwarto nila para pigilan ang pagpapakamatay nito.
Pero bigla na lamang binunot ni Tatad ang kanyang baril sa kanyang tagiliran at binaril ang sarili sa ulo na nagsanhi ng agaran nitong kamatayan.
Si Tatad ay dating miyembro ng Kidapawan City Police. Nagbitiw siya sa tungkulin noong mga huling taon ng dekada ’90 at nagnegosyo na lamang. (Malu Cadelina Manar)