Misis inutas, mister nag-suicide
CAMP CRAME – Pinaslang muna ng selosong mister ang kaniyang misis na media relations officer ng kongresman saka nagbaril sa sarili sa harap mismo ng kanilang mga anak sa Barangay Balulang, Cagayan de Oro City kamakalawa ng gabi.
Sa phone interview, kinilala ni P/Supt. Isagani Genabe Jr., regional officer-in-charge, ang nag-suicide na si Stephen Lagamon, 31, technician sa appliance center sa Bukidnon.
Nakilala naman ang pinatay na misis na si Diana Rose Lagamon, 31, media relations officer ni Rep. Rolando Uy ng 1st District ng General Santos City.
Si Stephen ay nagbaril sa bibig na naglagos sa ulo, samantalang si Diana Rose ay binaril sa tiyan at ulo na namatay habang ginagamot sa ospital.
Nabatid na bago maganap ang krimen ay nag-away ang mag-asawa sa loob ng kanilang tahanan sa Roa Apartment noong Martes ng hapon.
Humantong ang pagtatalo sa madugong insidente dakong alas-7 ng gabi sa harap mismo ng kanilang mga anak.
Ayon sa ulat, selos ang pangunahing motibo dahil kalimitang inaaway ng mister ang maganda nitong misis na palaging gabi nang umuuwi sa sobrang abala sa trabaho at madalas pang bumibiyahe patungong Maynila. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya.
- Latest
- Trending