Bus binomba: 6 patay
KIDAPAWAN CITY - Nakatutulig na pagsabog ang umalingawngaw kahapon sa terminal ng bus sa Digos City, Davao del Sur na ikinasawi ng anim-katao habang dalawamput siyam iba pa ang malubhang nasugatan sa panibagong paghahasik ng lagim ng mga terorista sa Kamindanawan.
Ayon kay AFP-Eastern Mindanao Command (AFP-Eastmincom) Spokesman Major Armand Rico, sumabog ang itinanim na improvised explosive device sa loob ng Metro Shuttle Bus na may body number 209 bandang alas -2:45 ng hapon.
Sa panig ni P/Senior Insp. Anthony Padua, hepe ng Digos City PNP, posibleng bitbit ng pasahero na sumakay sa pagitan ng bayan ng Sta. Cruz at Digos City sa Davao del Sur.
Kabilang sa mga nasawi si Virgina Flores habang su gatan ay sina Ian Due, Mario Lawane, Adorina Peñaloza, Maria Tumo, Eduardo Fernandez, Evangelyne Fernandez, Doña Rosa Beuno, Leopoldo Banao, Sylvia Almarzan, Garnet Dulima, Adelina Umaled, Boyet Valencion, Rofina Labugen, Theresita Banhaw, Tomasa Albopera at Leo Rulio.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na nagmula ang bus sa Davao City patu ngong Bansalan, Davao del Sur at kasalukuyang nasa terminal para magbaba at magsakay ng mga pasahero nang sumambulat ang bomba.
Kaagad naman nagtungo sa nasabing lugar ang mga tauhan ng Army’s 39th Infantry Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Lyndon Paniza upang magsagawa ng security operations.
Sinabi naman ni P/Supt. Cesario Darantinao, police director ng Davao del Sur, nagsasagawa na rin ng post-blast investigation ang mga tauhan ng Bomb Explosive at ang Ordnance Division maging ang Digos City PNP upang matukoy ang responsableng grupo.
Noong Hulyo 2008, pinasabog din ang Metro Shuttle Bus kung saan isa ang patay at 35 naman ang sugatan na pinaniniwalaang modus operandi ng Al-Khobar terror group sa pangingikil ang sinasabing motibo.
- Latest
- Trending