177 bata sa Cotabato, nakinabang sa libreng tuli
COTABATO CITY, Philippines — Nasa 177 na bata ang nakinabang sa inilunsad na libreng tuli na bahagi ng outreach program sa lalawigan ng Cotabato.
Sa ulat nitong Martes, sa nasabing bilang, 119 dito na batang Moro mula sa Barangay Bualan sa bagong tatag na bayan ng Tugunan sa Cotabato ang sumalang sa libreng tuli nitong Lunes sa pagtutulungan ng mga peace advocacy and humanitarian groups at dalawang opisyal ng Bangsamoro regional government.
Iniulat kahapon nina Omar Piang, chairman ng Barangay Bualan, at Mayor Abdullah Abas ng Tugunan, isa sa walong bayan ng Bangsamoro region sa Cotabato, na maliban sa 119 na batang natuli nang walang bayad, 107 din na mga residente na may problema sa mata ang nasuri at nabigyan ng mga salamin.
Magkatuwang sa naturang humanitarian mission ang tanggapan ni Bangsamoro Health Minister Kadil Monera Sinolinding, Jr., si Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua, ang Deseret Surgimed Hospital sa Kabacan, Cotabato at mga pribadong cause-oriented groups.
Kabilang sa nabigyan ng mga reading glasses sa humanitarian mission ang 80 na residente. May 27 na iba pa na may mga katarata (cataract) sa mata at pterygium ang nakatakda nang isailalim sa eye surgery na isasagawa mismo ni Sinolinding, isang ophthalmologist at kasapi rin ng Bangsamoro regional parliament.
Nuna rito, 58 na batang Muslim at Kristiyano mula sa iba’t ibang lugar sa Kabacan at mga karatig na barangay na sakop ng Bangsamoro region ang nabigyan din ng libreng tuli ng medical outreach team nina Sinolinding sa kanyang extension office sa naturang bayan.
- Latest

















