4 Marines todas sa ambush
Apat na miyembro ng Philippine Marines ang napaslang habang 10 pa ang nasugatan matapos na paulanan ng mortar ng mga pinaghihinalaang bandidong Abu Sayyaf ang convoy ng tropa ng pamahalaan kahapon ng umaga sa Patikul, Sulu.
Sa nasabing insidente, ayon kay Marine Commandant Major Gen. Ben Mohammad Dolorfino, nalagasan sila ng apat na tauhan habang kabilang naman sa sugatan ang dalawang opisyal ng Marines.
Pansamantala namang tumanggi muna si Dolorfino na tukuyin ang mga pangalan ng mga namatay niyang tauhan dahil kailangan pang sabihan ang pamilya ng mga ito.
Bumabagtas ang convoy ng Marine Battalion Landing Team 11 na pinamumunuan ni Lt. Col. Jesulito Calimag nang paulanan ng mortar at iba pang bala ng matataas na uri ng armas pagsapit sa Barangay Bonbon, Patikul.
Base naman sa report ni 2nd Marine Brigade Commander Col. Celestino Pereyra, ayon kay Navy Spokesman Lt. Col. Edgard Arevalo, ang tropa ng mga sundalo ay patungo sa Brigade Command Post sa Barangay Bayug, Talipao, Sulu nang mangyari ang pananambang.
Sa kabila ng sorpresang pag-atake ay nakipagpalitan ng putok ang tropang gobyerno sa grupo ng mga bandido na tumagal ng 10 minuto. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending