Naaresto ng tropa ng militar ang tumatayong medical aide ni 105th Base Moro Islamic Liberation Front (MILF) renegades Commander Ameril Umbra Kato sa isinagawang operasyon sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao kamakalawa. Kinilala ni AFP-Eastern Mindanao Command Spokesman Major Armand Rico, ang suspek na si Badrodin Abdul. Base sa ulat, nagsasagawa ng clearing operations ang mga sundalo ng Army’s 46th Infantry Battalion (IB) sa bisinidad ng Barangay Kitango, nang mamataan ang suspek. Sa inisyal na interogasyon, inamin ng suspek na ginamot niya ang mga sugatang sundalo ng MILF rebs na nakasagupa ng tropa ng militar sa North Co tabato. Joy Cantos
Drayber inutas, Starex kinarnap
MALOLOS CITY, Bulacan — Patay ang isang family driver makaraang itong barilin sa ulo ng isa sa tatlong karnaper na tumangay sa sasakyan ng una noong Huwebes ng gabi sa Barangay Guinhawa, Malolos City, Bulacan. Ang biktimang nagsilbing drayber ng pamilya Villanueva sa loob ng apat na taon ay nakilalang si Jose Edwin De Guzman, 36, ng Brgy. Caniogan, Malolos City. Base sa police report, pagarahe na ang sasakyang minamaneho ng biktima matapos maihatid ang pamilya Villanueva nang lapitan at barilin ng mga karnaper. Matapos itumba ang biktima ay kaagad na kinomander ang Starex (ZME-799). Nagpahayag naman ng pangamba ang mga residente sa muling pananalasa ng grupong karnaper sa kanilang lugar. Dino Balabo
Tatak sa helmet tinutulan
CABANATUAN CITY – Tinutulan ng nakararaming motorista ang plano ng Nueva Ecija PNP na tatakan ng plate number ang mga helmet at jacket ng mga nakamotorsiklo upang makatulong sa patuloy na lumalalang krimen na kinasasangkutan ng riding-in-tandem sa nabanggit na lalawigan. Sa pahayag ni P/Senior Supt. Ricardo Marquez, provincal police director, ang pagtatatak ng plaka ng motorsiklo sa helmet ay isa ring solusyon upang mabawasan na ang mga checkpoint sa kahabaan ng Maharlika Highway, na may operasyon mula alas-2 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi na siyang ikinaiirita ng mga naka-motorsiklo. Gayon pa man, inamin ni Marquez na may pagtutol ang mga motorista sa nasabing programa ng PNP dahil nakakasira sa warranty ng head protective gear. Christian Ryan Sta. Ana