Shootout: 3 holdaper tumba
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Nagwakas ang paghahasik ng karahasan ng tatlong miyembro ng notoryus na grupo ng holdaper makaraang mapatay sa pakikipagbarilan sa mga pulis sa bayan ng Cabuyao, Laguna
kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Senior Supt. Felipe Rojas, Jr. Laguna police director, ang napaslang na lider ng sindikato na si Saturnino Oruga, na may operasyon sa Southern Tagalog.
Samantala, bineberipika pa ang pagkikilanlan ng dalawang kasamahan ni Oruga.
Base sa police report, nagsasagawa ng checkpoint operation ang mga tauhan ng Regional Intelligence Division (RID) ng Region 4A at ng Laguna Police Provincial Office sa bisinidad ng Forteza Road, Barangay Pulo nang mamataan nila ang kulay itim na Isuzu Sportivo (SHS-977).
Nang parahin ng mga operatiba ang grupo ni Oruga, bigla nalang humarurot ang sasakyan at nagpaputok ng baril kaya nauwi sa gun-running battle na ikinamatay ng tatlo.
Sa beripikasyon, lumilitaw na ang sasakyan ng tatlo na ginagamit ng municipal administrator ng Biñan, Laguna ay kinarnap noong Lunes ng August 18.
Narekober sa tatlo ang isang Berreta 9mm pistol na may PNP property markings at buradong serial number, 2 cal. 38 revolver, at dalawang pares ng uniporme ng PNP.
Sinisilip din ng pulisya kung may kaugnayan ang grupo sa RCBC massacre habang humahanap pa ng mga ebidensya.Dagdag ulat ni Ed Amoroso
- Latest
- Trending