Dalawang kawal ng Philippine Marines ang iniulat na nasawi matapos ratratin ng mga armadong kalalakihan sa bisinidad ng Barangay Kandayok sa bayan ng Panamao, Sulu kahapon Sabado ng umaga.
Sa phone interview, kinumpirma ni 2nd Marine Brigade Commander Col. Celestino Pereyra, ang pagkamatay ng dalawang enlisted personnel ng Philippine Marines na kapwa kasapi ng Marine Battalion Landing Team 11 subalit pansamantalang hindi tinukoy ang mga pangalan dahil kailangan pang impormahan ang kanilang mga pamilya.
Ayon kay Pereyra, nagsasagawa ng security patrol ang dalawang sundalo na lulan ng motorsiklo nang tambangan bandang alas-7 ng umaga.
Sa tala, ang Sulu ay pinamumugaran nina Abu Sayyaf Commander Albader Parad, Radulan Sahiron at Abu Jumdail, alyas Doc Abu Pula kung saan ayon kay Pereyra ay kasalukuyan pang dinedetermina kung kaninong grupo ang responsable sa pananambang. Joy Cantos