MALOLOS CITY – Apat na tauhan ni ret. Gen. Jovito Palparan ang iniulat na nawawala at pinaniniwalaang dinukot matapos arestuhin ng mga pulis sa bayan ng Donya Remedios Trinidad, Bulacan, ayon sa ulat kahapon. Ito ang tahasang sinabi ni ret. Gen. Palparan na apat sa kanyang tauhan ang kasalukuyang nawawala matapos arestuhin ng pulisya sa nabanggit na bayan.
Ayon pa kay Palparan, ang mga baril ng kanyang mga tauhan ay narekober na sa himpilan ng pulisya sa nasabing bayan.
“Sabi ng pulis pinauwi na raw nila ‘yung apat kong tauhan, pero hanggang ngayon ay hindi ko pa nakikita,” dagdag pa ni Palparan.
Napag-alamang si Palparan ay nagtungo sa Brgy. Camachin, sa bayan ng Donya Remedios Trinidad noong nakaraang linggo upang pangasiwaan ang pagpapababa sa mga tauhan niya sa 24-Hours Security Agency na nagbabantay sa minahan ng bakal matapos magpalabas ng temporary restraining order (TRO) si Judge Rodolfo De Guzman ng Ildefonso Municipal Trial Court sa Bulacan noong Hulyo 29.
Ayon kay Palparan, nakatanggap siya ng impormasyon na matagal na siyang hinahanap ng mga pulis sa Bulacan subalit pinabulaanan naman ni P/Senior Supt. Allen Bantolo, provincial police director na hinahanting nila si Palparan. (Dino Balabo)