5 pulis sa SBMA kinasuhan ng extortion
Ayon kay SBMA deputy administrator for administration Robert Martinez, nagsumite ng paliwanag ang mga akusadong police officers na sina Nelson Samaniego, Isagani Agno, Rolly Piscos, Conrado Acosta at Renante Vicente, sa kasong extortion, acts of lasciviousness at grave misconduct na isinampa ng biktima sa Olongapo City Prosecutors Office.
Ito ay base na rin sa rekomendasyon ng SBMA Intelligence and Investigation Office (SBMA-IIO) na naunang nagsagawa ng imbestigasyon hinggil sa kaso matapos ang insidente.
Batay sa ulat, naganap ang insidente noong Hunyo 10 ng madaling-araw kung saan hinarang ng mga suspek ang biktimang naglalakad sa Rizal Highway mula sa Magic Lagoon restaurant.
Napag-alamang pinosasan ng mga suspek ang biktima bago tinangay ang P8,000 at pinaghihipuan sa iba’t ibang bahagi ng katawan saka iniwanan sa gilid ng highway.
Sumaklolo sa biktima ang isang kawani ng nabanggit na establisyemento at naipaabot sa kinauukulan ang insidente.
Positibo naman kinilala ng biktima ang mga suspek matapos ang police line-up. (Alex Galang)
- Latest
- Trending