Apat na alagad ng batas ang iniulat na nasugatan makaraang sumabog ang inihagis na granada sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Kabasalan sa Zamboanga Sibugay noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga nasugatang pulis na sina SPO2 Ramon Merida, SPO2 Glicerio Esparagera, PO3 Carmelo Toledo at PO2 Joel Maala na pawang naka-duty sa Kabasalan Municipal Police Station.
Batay sa report ni Police Regional Office (PRO) 9 chief P/Director Jaime Caringal, kasalukuyang abala sa pag-aayos ng mga dokumento ang apat na pulis nang umalingawngaw ang malakas na putok ng Granada.
Napag-alamang inihagis ang granada mula sa pampublikong palikuran kung saan nasa tapat lamang ng nasabing himpilan ng pulisya.
Malubhang nasugatan si SPO2 Merida at kailangang ilipat sa Zamboanga City habang ang tatlo pa ay ginagamot sa Kabasalan General Hospital.
Magugunita na isinailalim sa heightened alert status ang Zamboanga Peninsula matapos na mapaslang sa engkuwentro si Akiddin Abdusalam alyas Commander Kiddie, dating pinuno ng Special Operations Group ng Moro Islamic Liberation Front noong Hunyo 14.
Si Commander Kiddie ay isinasangkot sa pagdukot kay Italian priest Fr. Giancarlo Bossi noong Hunyo 10, 2007 at nailigtas noong Hulyo 19 sa bayan ng Karomatan, Lanao del Norte. Joy Cantos