Opisyal ng BoC sasabit sa P5-B shabu

SUBIC BAY FREEPORT – Nalalagay sa balag ng alanga­ning madawit sa tangkang pagpupuslit ng P5 bilyong shabu ang isang opisyal ng Bureau of Customs makaraang bigyan nito ng clearance permit ang barkong pinagkargahan ng kilu-kilong droga na makaalis sa Subics Riviera Pier noong Linggo. Sa dokumentong nakalap ng PSNgayon, nilagdaan ni Customs boarding officer Romulo Labrusca, ang papeles na naka­saad na walang kargamento itong nakita sa loob ng F/B Shun Fa Xing na may anim na tripulante, at pirmado rin ng kapitan ng barko na si Capt. Jou Jonq Rong. Samantala, sinabi naman ni Subic Bay Metropolitan Authority Administrator Armand Arreza, na walang basehan ang ipinahayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na bagsakan ng bawal na droga ang Subic Bay Freeport. “This is an isolated case,” dagdag pa ni Arreza. Giniit ni Arreza na nasabat ang mga illegal na droga dahil sa pinaigting na kampanya ng SBMA at PASG-TFS laban sa illegal smuggling ng bawal na gamot. Alex Galang

Show comments