Sundalong binasted nag-amok

Kalaboso ang binagsakan ng isang tinyente ng Phil. Army makaraang mag-amok at magpaputok ng baril dahil binasted ng dalagang anak ng alkalde na kaniyang nilili­gawan sa bayan ng Malapatan sa Sarangani kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang suspek na si 1st  Lt. Datu Michael Karon, 42, ng Army’s Division Training Unit sa Davao City. Nabatid na labis pang ikinasama ng loob ng suspek na lango sa alak nang nagdesisyon ang mga magulang ng dalaga na ipadala ito sa Maynila kaya walang habas nitong pinaputok ang M 16 assault rifle  habang pinasabog naman ang dinamitang dala nito habang patungo sa munisipyo. Ayon sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame,  nagsisigaw pa umano sa harapan ng bahay ng alkalde ang nasabing sundalo kung saan pilit nitong pinadudungaw sa bintana ang nililigawang 22-anyos na dalaga. Joy Cantos

Show comments