BATANGAS — Napaaga ang salubong ni kamatayan sa isang 47-anyos na mister at ang kanyang anim na buwang buntis na asawa makaraang tambangan ng mga di-pa nakikilalang kalalakihan sa bayan ng Rosario, Batangas kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni P/Chief Inspector Ruperto Hupida, hepe ng Rosario PNP, ang mag-asawang sina Hilario at Nenita Inandan na kapwa residente ng Barangay Bagong Pook, Rosario, Batangas.
Ayon sa ulat, magkaangkas ang mag-asawa sa motorsiklo (DR-4377) at binabagtas ang kahabaan ng barangay road sa Barangay Bagong Pook nang sundan sila ng riding-in-tandem gunmen bandang alas-9 ng umaga.
Pagdating sa ilang na lugar ng nabanggit na barangay, pinagbabaril ang mag-asawa kung saan nagtamo ng limang tama ng bala sa katawan si Hilario samantalang dalawa naman ang tumama kay Nenita.
Sinisilip ng mga imbestigador na awayan sa lupa ang posibleng motibo ng pamamaslang sa mag-asawa.