Pamilya, 9 tiklo sa drug bust
CEBU CITY – Isang abogado kasama na ang kanyang misis, mga magulang at mga kamag-anak ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency at Regional Anti-Illegal Drugs Task Force dahil sa pagtutulak ng bawal na droga sa Barangay Ulo sa bayan ng Siquijor, Siquijor noong Huwebes ng madaling-araw.
Kabilang sa mga kinasuhang suspek habang nakakulong ay sina Atty. Rex Perewperew, 29; misis nitong si Emie, 30; mga magulang na sina Mansueto Perewperew, 62 at Belinda, 50;. mag-asawang tiyuhin ni Atty. Rex na sina Pedro Perewperew, 53; at Elva, 49; pinsang si Glor Perewperew, 43 at asawa nitong si Estella, 44, pati na ang runner ng abogado na si Joramie Ricamara, 33.
Ayon kay Atty. Jennifer Rosales, regional director ng PDEA-7, ang nasabing pamilya ay itinuturong pangunahing nagtutulak at nagsusuplay ng bawal na gamot sa nasabing barangay.
Sa bisa ng search warrant na ipinalabas nina Judge Ramon Codilla Jr. ng Cebu Regional Trial Court at Judge Teresita Calanida ng Mandaue City Regional Trial Court, sinalakay ang pinagkukutaan ng mga suspek kung saan nakasamsam ng walong paketeng sachet ng shabu at isang paketeng nabili ng mga operatiba ilang oras bago pa ang operasyon, mga bala ng .45 cal.; drug paraphernalia at iba pang gamit sa droga.
Narekober din sa mga kamag-anak ng pamilya Perewperew ang mga pake-paketeng shabu kasama na ang mga bala at .357 revolver, mga bala ng .22 magnum .38 cal., drug paraphernalia at drug packing instrument at perang pinaniniwalaang kinita sa pagbebenta ng shabu.
Ayon kay Rosales, ay walang sinumang law enforcement unit na maglakas-loob na pumasok sa naturang barangay dahil na rin sa sinasabing protektado ang mga ito ng kilala at prominenteng opisyal sa nasabing lalawigan.
“People perceived them as untouchables in the area because there were no anti-illegal drug operations conducted against them. That is probably because they are armed and one of their family members is a lawyer,” dagdag pa ni Rosales.
Mariin naman pinasinungalingan ni Atty. Perewperew, ang mga akusasyon laban sa kanila.
- Latest
- Trending