CABANATUAN CITY – Umabot na sa sampung katao ang iniulat na nasawi makaraang mahulog ang kanilang sinasakyang bus sa isang bangin sa Pantabangan, Nueva Ecija, kahapon ng umaga.
Pitong lalaki at tatlong babae na umano ang sinasabing nasawi habang marami pang mga sugatang biktima ang naitala sa aksidente batay sa impormasyong dumating sa tanggapan ni P/Senior Supt. Napoleon C. Taas, Nueva Ecija provincial police director.
Sinabi ni Taas na ang Dalin Bus Liner, with body number 588, ay patungo sa bayan ng Casiguran, Aurora galing ng Cabanatuan City nang mawalan umano ng kontrol ang drayber nito sa manibela at aksidenteng nahulog ang sasakyan sa matarik na bangin sa bahagi ng Kilometer 8 sa Barangay Cadaclan, Pantabangan, dakong alas-10 ng umaga.
Isa sa iniulat na agad na namatay ay ang drayber ng bus na nakilalang si Peter Bolingat.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng iba pang mga biktima habang isinusulat ang balitang ito.
Sinabi ni Pantabangan Mayor Romeo Borja Sr. sa isang panayam sa telepono na 10 sibilyan na ang nabatid niyang namatay sa aksidente na inireport agad sa kanya ng kanyang anak na si Provincial Board Member Romeo Borja Jr.
Sinabi pa ng alkalde na marami na umano silang natatanggap na ulat na matutulin umanong magpatakbo ang drayber ng bus sa naturang lugar at ito ay napakadelikado dahilan sa matarik na ruta o daan sa may hangganan ng Pantabangan at lalawigan ng Aurora.
Sinabi naman ni Tim Dante, superintendent ng Dalin Bus Line, na nahulog umano ang bus nang ang preno nito ay hindi gumana sa matarik at delikadong kurbada ng kalsada sa Barangay Cadaclan.
Nabatid na may laman na 50 pasahero ang bus nang maganap ang aksidente.
Magugunita na noong nakalipas na linggo, 10 katao rin ang nasawi nang mahulog sa may 300 talampakang bangin ang sinasakyang pampasaherong bus sa kanugnog na lalawigan naman ng Nueva Vizcaya.