2 bangkay nakuha sa tangke ng tubig
Dalawang bangkay ng obrero ang narekober ng mga awtoridad sa loob ng isang tangke ng tubig sa bakuran ng Light Industry and Science Park 1 sa Cabuyao, Laguna, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Laguna Provincial Police Office Director Sr. Supt. Felipe Rojas Jr., ang mga biktima na sina John Anthony Tan, 27, binata, pintor, residente ng Bay View Subdivision, Bay, Laguna; at Jose Gregorio, 21, binata, isa ring pintor, ng Barangay Banader, Calamba City, Laguna.
Ayon kay Rojas, ang bangkay ng mga biktima ay nakuha ng nagrespondeng mga elemento ng Cabuyao Municipal Police Station sa premises ng LISP 1 sa Brgy. Dienzo, Cabuyao City bandang alas -10:10 ng umaga.
Nag-iinspeksyon at nagsusuperbisa sa lugar ang grupo ni Mr. Jose Nilo Soquena, Maintenance Manager ng LISP kasama ang dalawang obrero, na sina Danilo Bathan at Joseph Sique nang matagpuan ang bangkay ng dalawa nilang kasamahan.
Ang mga biktima ay may ilang araw nang nawawala kaya laking gulat ng kanilang mga kasamahang obrero nang madiskubre ang bangkay ng mga ito.
Malaki ang paniniwala ng pulisya na ang mga biktima ay maaring nadulas at tuluyang nahulog sa loob ng tangke habang ito ay nagpipinta ng tangke. (Joy Cantos, Arnell Ozaeta at Ed Amoroso)
- Latest
- Trending