Matinding pahirap sa katawan bago kalawitin ni kamatayan ang isang 7-anyos na batang lalaki na may polio makaraang mapatay sa gulpi ng kanyang ama sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Puntagorda, Barangay Hermano sa bayan ng Balingasag, Misamis Oriental, ayon sa ulat kahapon.
Idineklarang patay sa Northern Mindanao Medical Center ang biktimang si Joshua Montalban, samantalang kalaboso naman ang suspek na si Venancio Montalban, 27.
Sa ulat ng pulisya na naiparating sa Camp Crame, lumilitaw na noong Linggo ng hapon (Abril 6) ay sinimulang gulpihin ng suspek ang sariling anak na paralitiko.
Ang pambubugbog sa bata ay nasundan pa nitong nakalipas na dalawang araw hanggang sa tuluyan itong hindi na makagalaw sa matinding sugat at mga pasa na tinamo sa katawan.
Naawa naman ang kapitbahay na si Gina Castro sa palahaw ng bata nitong nakalipas na mga araw kaya’t kumatok ito sa kubo ng pamilya Montalban kung saan ay nasilip nito na halos hindi na makagulapay sa sulok ng kubo ang bata saka umaagos pa ang dugo sa ulo.
Napilitan ipagbigay-alam ni Castro sa mga opisyal ng barangay ang insidente kaya kinuha nila ang bata at isinugod sa nasabing pagamutan subali’t huli na ang lahat.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nagalit ang suspek sa anak dahil kinain nito ang itinabi niyang dalawang pirasong pritong manok na kaniyang iuulam sana sa hapunan kaya binugbog ang paslit.
Inamin ng suspek sa pulisya na lango siya sa alak kaya nagawa niyang gulpihin ang sariling anak na may kapansanan subalit hindi inakalang mauuwi sa kamatayan. Joy Cantos