Mister sinapian, misis kinatay
Pinaniniwalaang sinapian ng masamang espiritu ang isang 55-anyos na mister kaya nagawang pagtatagain hanggang sa mapatay ang kaniyang live-in-partner sa loob ng kanilang tahanan sa Purok Doña Josefa sa Barangay Mabantao, Kapalong, Davao del Norte kamakalawa.
Halos lumaylay ang leeg at nagkaputul-putol ang katawan ng biktimang nakilala lamang sa pangalang Ligaya habang sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Ernesto Bata.
Sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, naganap ang bru tal na krimen pasado alas-9 ng gabi sa tahanan ng magka-live-in partner sa nasabing bayan.
Sa salaysay sa mga imbestigador ng anak ng suspek na si Alan, dumating ang biktima sa kanilang tahanan at pasigaw na pinagsabihan ang suspek na batugan dahil palaging nakahilata at hindi nagtatrabaho.
Matapos makatulog ang biktima ay lumabas ng bahay ang suspek at naupo sa ilalim ng punongkahoy na animo’y may kinakausap sa dilim.
Nang bumalik sa loob ng bahay ay nanlilisik na ang mga mata nito at kinuha sa taguan ang bagong hasa at matalim nitong itak.
Napag-alamang napatakbo palabas ng kanilang bahay si Alan matapos na masaksihang pinagtataga ng ama ang biktimang hindi na nagising sa pagkakatulog.
Humalakhak pa ang suspek na tila ikinatuwa pa ang pagkamatay ng biktima at nang mahimasmasan ay halos hindi makapaniwalang napatay nito ang kaniyang live-in partner.
Inamin naman ng suspek sa pulisya na hindi niya alam ang ginawa ng mga oras na pinaslang nito ang biktima.
- Latest
- Trending