CALAPAN CITY, Min-doro Oriental – Matapos ang ilang araw na pananahimik, lumantad na ang isang magsasaka sa bayan ng Roxas, Oriental Mindoro, na nanalo ng P120 milyong jackpot prize ng 6/49 superlotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Napag-alamang nakumbinse ng magsasaka na samahan siya ng alkalde para kolektahin ang malaking halaga sa PCSO sa Metro Manila.
Itinago sa pangalang “R. Bautista,” 34, ang magsasaka mula sa liblib na barangay sa bayan ng Roxas, ay sinamahan ni Mayor Jackson C. Dy, kasama ang ilang security escort nito mula sa kanilang lugar hanggang sa Maynila.
Sa mismong opisina ng PCSO, sinasabing kinolekta agad ni Bautista at Mayor Dy ang bahagi ng milyong piso, subalit ang natitirang halaga ay idineposito sa pinakamalapit na bangko.
Nauna rito, si Bautista, na dating maralitang magsasaka ay nag-iisang nagwagi ng P120 milyong jackpot prize sa “6/49” superlotto noong Pebrero 19.
Ayon sa ilang residente, matapos na makabili ng kalahating kilo ng isda sa araw na iyon si Bautista, nagtungo ito sa lotto outlet sa kanilang poblasyon at itinaya ang nalalabi nitong P20 para sa superlotto jackpot.
Kinabukasan, nanghiram sa kapitbahay si Bautista ng isang tabloid at nabigla nang natuklasang nanalo siya ng P120 mil yon at kaagad niya itong ipinaalam sa asawa.
Sa pag-aalalang maraming tao ang makakaalam sa kanilang swerte, tahimik na pinag-usapan ng mag-asawang Bautista ang gagawin at kung paano nila makukubra ang milyones nang walang gaanong makakapansin.
Nagdesisyon ang mag-asawa na si Mayor Dy, ang makapagbibigay sa kanila ng proteksyon.
Nang tanungin naman si Mayor Dy kaugnay sa nabanggit na isyu nagkibit-balikat lamang ito at tanging nasambit lang ng alkalde na siguradong makikinabang ang kanilang munisipyo. (Juancho Mahusay)