CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – May posibilidad na tumangging magbigay ng revolutionary tax ang isang negosyanteng mister kaya siya pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga rebeldeng New People’s Army bago iniwan sa loob ng kanyang sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalsadang sakop ng Barangay Paolbo, Calabanga , Camarines Sur kamakalawa. Napuruhan sa ulo ng bala ng baril ang biktimang si Noel Ipo 42, may asawa, kontratista ng mga proyekto at residente ng Barangay San Isidro ng nabanggit na bayan. Batay sa ulat ng pulisya, ang bangkay ng biktima ay natagpuan ng kanyang misis na nasa loob ng Toyota Hilux (VDV –140). Nakabungad sa dibdib ng biktima ay karatulang may nakasulat na nagmumula sa “Bagong Hukbong Bayan” sa ilalim ng James Balaquio Command na pinaniniwalaang responsable sa krimen. (Ed Casulla )