RIZAL – Nagbanta si Mayor Pedro Cuerpo ng Rodriguez, Rizal na ipasasara nito ang landfill na tinatapunan ng basura mula sa Metro Manila sakaling ituloy ni Justice Secretary Raul Gonzalez ang ipinalabas na desisyong hindi dapat magbayad ang mga garbage haulers na papasok sa kanilang bayan.
Ang pahayag ni Cuerpo ay base sa resolusyon ni Gonzalez noong Enero 29 na hindi puwedeng maningil ang pamahalaang lokal at pinarerepaso sa pamahalaang panlalawigan ng Rizal ang ordinansa hinggil sa paniningil ng tipping fee sa mga lungsod na nagtatapon ng basura sa Rodriguez landfill.
“Unfair sa amin iyan kasi kami na nga ang nagmagandang loob na tanggapin ang tone-toneladang basura tapos itinali pa ang kamay namin para hindi makapaningil ng mga itinatapon nilang dumi,” dagdag pa ni Cuerpo.
“Paano na ang mga kawani na nagme-maintain ng landfill, napakaraming nakikinabang dito pati ang kanilang pamilya, paano na kapag nawalan sila ng trabaho,” paliwanag ni Cuerpo.
Gayon pa man, umaasa pa rin ang alkalde na maayos ang kanilang gusot at hinihintay pa nito ang ruling kaugnay sa inihaing apela noong Lunes.
Sakaling hindi pumabor ang desisyon ng apela, mapipilitan si Mayor Cuerpo na magpalabas ng resolusyon para tuluyang ipasara ang landfill.
Inabisuhan din ni Cuerpo si MMDA Chairman Bayani Fernando na maging handa sa maaaring mangyari at maghanap na ito ng ibang pagtatapunan ng basura dahil ipapasara niya ang dalawang landfill.
Nabatid na siyam na lungsod sa Metro Manila ang nakikinabang sa nasabing landfill na umaabot sa 6,000 metro toneladang basura ang itinatapon kada araw. (Edwin Balasa)