Suspek sa pagpatay sa Jollibee crew natimbog

CAMP VICENTE LIM, Laguna — Matapos ang mahigit na isang buwang pagtatago, naaresto na ng pulisya ang isang 19-anyos na lalaking pangunahing sus­pek sa pagpatay sa dalagang service crew ng Jollibee sa bayan ng Cala­pan, Oriental Mindoro, ayon sa police.

Pormal naman kinasu­han ang suspek na si Ro­nald Lingon, 2nd year stu­dent ng South Western Luzon Mari­time Institute at residente ng Barangay Balete sa bayan ng Gloria, Oriental Mindoro.

Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Manuel Luna ng Calapan City Regional Trial Court Branch 39, naaresto si Lingon habang nasa loob ng kanyang tahanan ban­dang alas-5:30 ng hapon kama­kalawa.

Ayon kay P/Supt. Bo­nard Briton, si Lingon ay itinu­turong pumatay  sa dala­gang service crew ng Jolli­bee na si Hazel Maca­galing, 21, kung saan na­tagpuan ang bangkay nito sa Ba­rangay San Vicente Oriental sa bayang nabang­git noong Dec. 9, 2007.

Matatandaang papauwi na sana si Hazel sa Ba­rangay Malaya mula sa pag-eensayo ng sayaw para sana sa kanilang pre­sen­tation sa nalalapit na com­pany Christmas party nang harangin ng dalawang lalaki, may ilang metro lang ang layo sa public market bandang alas-11:30 ng gabi.

Pinaghahanap pa ng pulisya ang isa pang suspek na naninirahan sa Occi­den­tal Mindoro na pinani­niwa­laang may kinalaman din sa krimen. (Arnell Ozaeta)

Show comments