Pinaniniwalaang naresolba na ng mga awtoridad ang misteryosong pagpatay kay DXGO Aksyon radio broadcaster na si Ferdie “Batman” Lintuan noong bisperas ng Pasko ng nakalipas na taon makaraang masakote ang kasamahan nitong blocktimer sa operasyon sa Davao City kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si Nilo Larroza na kasamahan mismo ni Lintuan sa nasabing radio station na nakabase sa lungsod.
Batay sa report, si Larroza ay dinakip ng pinagsanib na elemento ng pulisya at ng National Bureau of Investigation sa Brgy. Lanang, Davao City dakong alas-10 ng umaga .
Nasamsam mula kay Larroza ang isang cal. 45 pistol na posibleng siya umanong ginamit na ‘murder weapon’ at ang isang Mitsubishi Pajero sports utility vehicle.
Inaresto ang suspect matapos ikanta ng kasamahang nitong suspek na nauna nang nadakip ng mga awtoridad na siya umanong bumaril sa biktima.
Ayon sa mga awtoridad, posible umanong nagkahidwaan ang biktima at ang suspek hinggil sa numbers game at iba pang pagkakaperahan gamit ang istasyon ng DXGO radio na humantong sa pagkakapaslang kay Lintuan.
Noong Disyembre 28, 2007 ay nasakote ng mga awtoridad ang isang suspek na si Oliver Baldonado Antoc na itinuro ng dalawang testigo kung saan ikinanta nito sa mga awtoridad na si Larroza umano ang bumaril sa biktima. (Joy Cantos)