CAMP MIGUEL MALVAR, Batangas – Tatlong tripulante ang iniulat na nasugatan matapos masabugan ng compressor ng makina habang nakadaong ang barko sa Batangas Port Terminal, Inc, sa Barangay San Miguel sa bayan ng Bauan kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. David Quimio, Batangas police director, ang mga biktimang sina 2nd Engineer Roseler Trino, Ivan Paul Serrano at Ronillo Cabatic na kapwa oiler ng M/T Shogun Tanker na pag-aari ng negosyanteng Tsinoy na si Antonio Loo.
Sa inisyal na imbestigasyon, akma sanang paandarin ng mga biktima ang makina ng barko nang mag-overpressure ang compressor nito hanggang sa bumigay ang engine valve kaya sumabog ang compressor na nagbuga ng mainit na hangin at tubig.
Mabilis na itinakbo ang mga biktima sa Bauan Doctors General Hospital matapos magtamo ng 2nd degree burns sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan.
Sa panayam naman ng PSN kay P/Supt. Antonio Malabanan, Bauan police chief, siniguro naman nito na walang dapat ikabahala ang publiko sa naganap na pagsabog dahil hindi naman naapektuhan ng chemical container ang mga laman dagat at maging sanhi ng polusyon.
Ang barko ay naglalaman ng ilang daang litro ng ethyl alcohol na ginagamit ng mga pabrika sa nasabing lugar. (Arnell Ozaeta)