3 menor-de-edad sinagip

LUCENA CITY — Nakaahon sa kumunoy ng tuluyang pagkapariwara ang tatlong menor-de-edad na mga babae matapos na ang mga ito ay mailigtas ng mga awtoridad mula sa isang videoke bar sa Barangay Dalahican ng lungsod na ito, kamakalawa ng gabi.

Pansamantalang kinukupkop ng City DSWD ang tatlong biktima na itinago sa mga pangalang Cindy, 13; May, 15 at Rhea, 17, na pawang mga residente ng Pasay City.

Batay sa ulat ng women’s desk section ng Lucena PNP, dakong alas-7:00 ay nagsadya sa kanilang tanggapan ang isang Rosemarie Gacila upang ipaalam ang ginawang sapilitang pagkuha sa kanyang anak na si Cindy ng tatlong suspek na sina Ruel Castro, 21, Jayson Sabardo, 21 at Marilou Domingo, 39, pawang mga tubong-Montalban, Rizal at kasalukuyang naninirahan  sa Barangay Dalahican.

Kaagad na tinungo ng mga awtoridad sa pamumuno ni SPO4 Joe Foster ang AMS Videoke Bar at doon ay nahuli nila sa aktong pinagtatrabaho bilang mga GRO ang tatlong biktima. (Tony Sandoval)

Show comments