Kinidnap na Comelec official pinalaya
Pinalaya na ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front Lost Command ang kinidnap nilang municipal officer ng Commission on Elections sa isang lugar sa Calanugas, Lanao del Sur kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Casari Laguindab, election officer sa bayan ng Wao ng nasabing lalawigan. Ang biktima ay halos isang linggo ring bihag ng naturang mga rebeldeng Muslim.
Si Laguindab ay pinawalan dakong alas-5:45 ng hapon sa Barangay Laguno, Calanugas. Kasalukuyan namang inaalam kung nagbayad ng ransom ang pamilya ng biktima kapalit ng pagpapalaya sa nasabing opisyal ng Comelec.
Magugunita na ang biktima ay dinukot noong Nobyembre 9 sa Barangay Baggolo,
Ayon kay Supt. Danilo Bacas, spokesman ng PNP sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, iniwan ng mga kidnapper si Calanugas sa Laguno nang makita ng mga kidnapper na aali-aligid sa kanilang safehouse ang mga pulis at mga sundalo.
Ayon kay Bacas, walang ransom na ibinayad kapalit ng kalayaan ni Laguindab. (Joy Cantos at Malu Cadelina Manar)
- Latest
- Trending