Dinakip ng mga security guard ng SM City- Lucena ang isang sikat na player sa practical shooting at anak ng isang prominenteng negosyante sa Lunsod ng Lucena matapos umano nitong tangkaing ipuslit ang tatlong piraso ng imported Dart arrows sa Chris-Sports sa unang palapag ng naturang department store kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Bryan Tam, 31, residente ng Bgy. Iyam sa lunsod ng Lucena at dating sikat na practical shooter na naging panlaban ng bansa sa larangan ng pagputok may ilang taon na ang nakalilipas.
Napag-alaman na ang sus pek ay anak ng kilalang negosyante sa lunsod na si Aton Tam na siyang may-ari ng Peking Restaurant at isa sa mga may ari ng Titan Security Agency. Ang mag-ama ay kapwa kasapi ng Lucena Gun Club.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-6:00 ng hapon habang ang suspek ay nasa loob ng establisimiyento na nagbebenta ng mga sports materials. Napansin umano ng isa sa mga sales lady ang tangkang pagpupuslit ni Tam ng tatlong dart arrows na nagkakahalaga ng P1,605 kaya agad niya itong isinumbong sa kanilang gwardya.
Nang sitahin, nagalit pa umano ang suspek sa halip na mapahiya. “Para ‘yan lang, balewala yan. Pagdating ng abogado ko ay settled din iyan,” wika pa umano ng suspek. Dahil dito, tumawag umano sa pulisya ang may ari ng establisimiyento at iniulat ang insidente. Agad namang nagresponde ang Lucena police station at dinala sa presinto ang suspect.
Gayunman, naayos din ang problema dakong alas-7:00 ng gabi makaraang ihabilin ng suspek sa Chris Sports ang kanyang Honda motorcycle bilang prenda sa kanyang atraso. (Tony Sandoval)