CAMP CRAME - Pinaniniwalaang naengkanto ang isang batang babae na siyam na araw nang hindi gumigising sa liblib na lugar sa bayan ng Dumarao, Capiz, ayon sa ulat kahapon.
Batay sa ulat, nagtataka ang pamilya Panes sa kalagayan ni Nene na may siyam na araw nang natutulog na hindi malaman kung buhay pa o patay na?
Ayon sa mga ma gulang ng bata, noong nakaraang linggo, sumakit ang ulo nito na animo’y tinatrangkaso subali’t hanggang ngayon ay ayaw pa ring gumising kahit na anong yugyog ang kanilang gawin.
At ang nakapagtataka ay hindi naman naninigas ang katawan ng biktima na tila mahimbing lamang na natutulog.
Napag-alamang dinala nila sa Barotac Nuevo District Hospital sa bayan ng Barotac Nuevo, Iloilo subalit hindi rin malaman ng mga doktor kung ano ang sakit nito, dahil parang wala na itong dugo pero tumitibok pa ang puso.
Napag-ala mang nagpasya ang pamilya Panes na dalhin na sa punerarya pero hindi rin ito kaagad na-embalsamo bunga na rin ng kahilingan ng ama ng bata.
Kasunod nito, nagpatawag ng albularyo ang pamilya Panes kung saan ay sinasabing pinaglaruan ng engkanto ang bata kaya ibinalik na lamang sa kanilang bahay.
Noong Lunes ng Oktubre 22, namatay naman ang 4-anyos na bunso ng magkakapatid na Panes, na si John Patrick.
Pero, bago ito namatay, sinabi nito sa ina, na hinihila siya ng mga engkanto dahil gusto ng mga ito na kunin ang buhay nilang magkakapatid.
Sa ngayon ang dalawa pang anak ng pamilya Panes na may edad na 6 at 8-anyos ay katulad na rin ng isa pa nilang kapatid na nakaratay lang at walang lakas ang katawan. (Joy Cantos)