Kandidatong chairman itinumba
CAMP CRAME – Ilang oras bago ganapin ang barangay at Sangguniang Kabataan elections, isang kandidatong barangay chairman ang iniulat na pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga armadong kalalakihan sa Barangay Lapok, Bukidnon kamakalawa. Tatlong bala ng baril ang tumapos kay Patrocinio Enicito, 65, ng nabanggit na barangay. Napag-alamang bumisita ang biktima sa ilang residente para mangampanya nang ratratin ng mga ‘di-kilalang kalalakihan. (Joy Cantos)
2 kandidato niratrat sa Abra
CAMP BADO DANGWA, Benguet – Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang dalawang kandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan elections makaraang ratratin ng tatlong kalalakihan sa Sitio Barbarit, Cosili East, Benguet noong Linggo. Sa ulat ni P/Chief Supt. Eugene Martin, Cordillera police director, sugatan sina Fernando Sabalo, 32, kandidato sa pagka-barangay chairman at si Desiderio Sabaot, 28, samantalang nakaligtas naman ang ilang kasama ng dalawa. Ipinalalagay na pulitika ang isa sa motibo ng pamamaril dahil malakas na kandidato ang biktima sa kanilang barangay. Sinisilip din ng mga imbestigador ang anggulong paghihiganti. Sa follow-up operation nasakote ng pulisya ang mga suspek na sina Jestoni Baay, Marcelo Tarinay at si Erick Tadeo. (Myds Supnad)
Barangay bet dinedo sa poll precinct
ZAMBOANGA CITY – Binaril at napatay ang isang kandidato sa pagka-barangay chairman habang ito ay bumoboto sa poll precinct sa Sitio Tampalan, Malamawi Island, Basilan kahapon. Kinilala ni P/Senior Supt. Salik Macapantar, Basilan police director, ang biktima na si Omar Basir. Napag-alamang kabubukas pa lamang ng poll precinct nang lapitan at barilin ng ‘di-kilalang lalaki ang biktima. May teorya ang mga imbestigador na kalabang kandidato sa barangay at SK polls ang isa sa gumawa ng krimen. Samantala, ilang miyembro ng board of election inspector ang hinaharas ng mga di-kilalang kalalakihan sa pagbubukas pa lamang ng polling precinct sa isang isla sa Zamboanga del Sur. (Roel Pareño)