CAVITE - Isinagawa ang demolisyon laban sa mga iligal na istraktura sa dalawang lugar sa Barangay Langkaan I sa bayan ng Dasmariñas, Cavite noong Setyembre upang mapanatili ang kalinisan sa mga tabing-ilog, baybay dagat at iba pang peligrosong lugar sa nabanggit na lalawigan.
Dahil sa pagpapatuloy ng programa ni Cavite Gov. Ayong Maliksi na malinis ang iba’t ibang lugar ay pinuntirya ng Provincial Task Force Against Professional Squatters and Squatting Syndicates (PTFAPSSS) ang mga iligal na istrukturang nakatirik sa baybay ilog ng Barangay Langkaan II noong Biyernes (Oktubre) 19.
Sa naturang lugar, natukoy ang may pitumpu’t walong kabahayan na sumasakop sa bahagi ng easement (hangganan ng ilog) kung kaya’t ipinag-utos ni Maliksi ang agarang pagpapalipat sa mga apektadong pamilya upang makaiwas sa anumang panganib na maaring idulot sa panahon ng kalamidad.
Ibinatay ang demolisyon sa Section 28 ng Republic Act 7279 (Urban Development and Housing Act) na nagpapahintulot kapag ang mga istruktura ay nakatirik sa delikadong lugar o kaya ay sumasakop sa mga estero, riles, tambakan ng basura, ilog o bahaging tubig at iba pang pampublikong lugar.
Tulad ng demolisyon sa naunang barangay, naging mapayapa ang operasyon ng task force sa Barangay. Langkaan II matapos dumaan sa proseso ng konsultasyon at masusing paghahanda alinsunod sa mga regulasyong itinakda ng Presidential Commission for the Urban Poor.
Tumanggap naman ng tulong pinansiyal ang mga apektado mula sa Pamahalaang Panlalawigan na P5,000 kada pamilya at relokasyon sa Abot-Kamay Hometown Village sa Barangay Langkaan I sa tulong naman ng pamahalaang lokal ng Dasmariñas. Arnell Ozaeta