Kumilos na ang lokal na pamahalaan para ipagbawal ang mga imported na ‘ube milk candy’ na gawa sa China matapos malason ang 37 estudyante sa elementarya na naratay sa pagamutan sa Madridejos, Cebu nitong Huwebes.
Nakipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan ng Madridejos sa kanilang counterpart sa bayan ng Bantayan upang alisin at ipagbawal ang pagbebenta ng naturang mga candy.
Kasabay nito, iniutos din ni Madridejos Mayor Salvador Dela Fuente ang pagbabawal ng pagbebenta ng lahat ng imported na candy sa lugar.
Matatandaan na napaulat na 28 estudyante sa Grade IV mula sa San Agustin Elementary School ang nalason sa kendi na gawa sa Guandong, China. Gayunman sa isinagawang beripikasyon ay nabatid na hindi lamang 28 kundi aabot sa 37 estudyante ang nalason sa naturang imported na candy. (Joy Cantos)