CAMP AGUINALDO — Aabot sa dalawampu’t walong mag-aaral sa elementarya ang iniulat na naospital makaraang malason ng imported na candy na ipinamahagi ng kanilang kaklase na nagdiwang ng kaarawan sa bayan ng Madridejos, Cebu kahapon ng umaga. Kasalukuyang inoobserbahan sa Bantayan District Hospital, ang mga biktimang may edad 10 at 11-anyos ng San Agustin Elementary School sa Barangay San Agustin, Madridejos. Sa pahayag ng principal ng paaralan na si Victoria Santillan, bandang alas-11 ng umaga nang makaramdam ng pagkahilo at pagsusuka ang mga estudyante makaraang kumain ng ube milk candy na ipinamahagi ng isang kaklase ng mga biktima na nagdiwang ng kanyang kaarawan. Natuklasan na ang candy ay mula sa Sweet World Philippines Incorporated na inangkat mula sa Guandong, China. Patuloy pa ang pagsusuri at imbestigasyon ng mga opisyal ng kalusugan sa sample ng kinaing kendi ng mga bata upang mabatid ang uri ng kemikal na nakalason. Inaalam din kung expired ang petsa na nakalagay sa nabanggit na kendi. Joy Cantos