CAMP CRAME – Umaabot na sa 30,000 residente ang malubhang naapektuhan ngayon ng tubig-baha dulot ng matinding pag-ulan sa Iloilo City kung saan maging ang milyong panamin na gulay ay apektado.
Sa ulat na ipinarating ng Iloilo Crisis Management Unit sa National Disaster Coordinating Council (NDCC), aabot na sa 8,006 pamilya mula sa Barangay Kaingin sa bayan ng LA Paz at Bonifacio ang naapektuhan ng tubig-baha.
Malaki rin ang pinsalang idinulot ng buhawi sa isang eskuwelahan sa bayan ng Buntatala, Jaro kung saan masuwerte namang walang iniulat na nasawi.
Dahil dito, pinag-aaralan na sa ngayon ng provincial government na isailalim sa state of calamity ang nabanggit na lungsod kasunod nang pagbibigay ng financial assistance sa mga biktima ng kalamidad.
Base sa ulat, may 10 araw nang bumubuhos ang ulan sa nabanggit na lungsod sanhi ng hanging habagat bunga ng panibagong bagyo na pumasok sa bansa. Danilo Garcia