Nagtayo ng checkpoint laban sa red tide sa mga lugar na malapit sa Sorsogon Bay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources dahil sa mga napapaulat hinggil sa mga nabibiktima ng pagkalason sa tahong, talaba at iba pang shellfish na kontaminado ng red tide organism.
Sinasabi sa ulat kahapon ng radio station dzRH na layunin ng checkpoint na pigilin ang mga residente ng Sorsogon na manguha ng isda at shellfish sa bay na noon pang nakaraang taon kontaminado ng red tide.
Ipinatayo ang mga checkpoint kasunod ng pagkamatay ng isang apat na taong gulang na batang si Vicente Cerillo Jr. at pagkaka ospital ng 14 na miyembro ng isang pamilya sa Sorsogon City makaraang makatikim ng shellfish na nakuha sa Sorsogon Bay.
Noong Biyernes, limang miyembro ng isa pang pamilya sa Sorsogon City ang nalason sa sinigang na sapsap na hango mula sa bay. Sinabi pa ng BFAR na posibleng ilang tiwaling mangangalakal ang sumubok na ibenta sa Metro Manila ang mga shellfish na nakukuha nila sa Sorsogon Bay.