Murder vs ex-mayor ikinasa

TRENTO, Agusan del Sur –  Pormal na nagsampa kahapon ang National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong murder sa pro­secutor’s office sa Pros­peridad, Agusan del Sur laban sa dating alkalde ng bayan ng Trento at umano’y hitman nito sa pagpatay sa isang ne­gos­yante sa Barangay Poblacion ng nabanggit na bayan noong Mayo 20, 2007.

Sa panayam ng PSN kay Atty. Aristotle Adolfo, hepe ng Anti-Organized Crime Task Force, may nakitang probable cause mata­pos ang evaluation at rekomendasyon ng Department of Justice, base sa testimonya ng mga testigo sa sinasa­bing political killing sa Trento na isinasangkot ang pangalan nina ex-mayor Escolastico “Eti” Hitgano Sr. at Yoyong Merlaspena Cutoban.

Base sa mga naka­lap na testimonya ng NBI mula sa ilang tes­tigo, bi­naril at napatay ni Cuto­ban, ang biktimang si Rommel Sarabia sa ha­rapan ng kanyang hardware at grocery sa Purok 2 ng nabanggit na bayan, ilang araw makalipas ang elek­syon.

Sa sinumpaang sa­lay­say ng testigong si Re­becca Sarabia, pi­nata­wag ang kanyang anak na si Rommel ng dating alkalde na ka­harap pa si Cutoban bago mag-elek­syon at pinagbantaan dahil sa pagbaligtad nitong su­muporta sa kandidatura ng asawang Hitgano sa mayoralty race.

Nakatakda namang magbigay ng counter affidavit kay Provincial Prosecutor III Victoriano I. Pag-ong ng Patin-ay, Prosperidad Prosecu­tor’s Office sa susunod na linggo si Eti Hitgano Sr. kaugnay ng kaso laban sa kanya.

Sa kaugnay na ba­lita, nagsampa naman ng kasong grave threat sa pulisya si Cutoban laban kina Elmo Nu­mancia at Rolando Abu­tay matapos siyang pag­­­bantaan at ang kanyang pamilya dahil sa pagtanggi sa kahi­lingan ng dalawa na aminin ang pagpatay kay Rommel Sarabia.

“Inalok ako ni Nu­mancia ng P.1 milyon para lamang aminin ang kri­men at idawit si da­ting mayor Eti Hitgano bi­lang utak sa pagpatay kay Sa­rabia,” base sa sinum­pa­ang salaysay ni Cutoban.

Sa tala, si Abutay na kumandidato sa pagka-alkalde laban sa asawa ni “Eti” na si Nene Hit­gano ay natalo sa ba­yan ng Trento noong May 14 elections.

Show comments