14 hitmen ng ‘killer mayor’ kinilala
Aabot sa labing-apat na hitmen ni dating Trento Mayor Escolastico Hitgano Sr., na pinaniniwalaang inutusan para itumba ang mga kaaway sa politika, ang isiniwalat ang pagkikilanlan ng self-confessed killer na si Elmo Numancia.
Sa ibinigay na listahan ni Numancia sa National Bureau of Investigation, kabilang sa mga bayarang mamatay-tao ni Hitgano ay sina Yoyong Melaspena Curtuban, na pumatay kay Rommel Sarabia; Jose “Macbol” Rodenas, Nelson “Toto” Peres, Radin “Toto LCI” Cachuela, Reynaldo F. Panuga, Rene Funcobila, Ronie “Biboy” Funcobila, Rolando “Nonoy” Panuga, Teofilo “Jun” Hitgano Jr., Francisco Cuervo Jr., Boy Nacau Jr., Benjamin Conde, Rolando “Lando” Blanco at si SPO2 Artemio “Bon Jovi” Jovita.
Isiniwalat ni Numancia sa NBI ang mga pagkakakilanlan ng hitmen dahil na rin sa pangambang ipapatay siya ni dating Mayor Hitgano sa mga ito.
Si Numancia ay una ng sumuko sa NBI upang isiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman sa modus operandi ng dating alkalde at ng asawa nitong si incumbent Trento, Agusan Mayor Irinea “Nene” Hitgano.
Sinibak na sa puwesto si SPO1 Tarcicio Valdehueza, bilang chief of police ng Trento dahil sa kapabayaan nito sa kanyang tungkulin.
Bunsod nito’y, maging si Valdehueza ay isasalang din sa imbestigasyon ng National Bureau of investigation (NBI).
Bukod kay Valdehueza, maging ang iba pang opisyal ng PNP sa Caraga Region ay masusi rin iimbestigahan ng NBI dahil sa hindi pagre-report sa mga nagaganap na political killings sa kanilang lalawigan.
Una na rin nagtungo sa NBI ang mga kaanak ng mga biktimang naunang ipinapatay ng mag-asawang Hitgano upang patotohanan ang mga alegasyon ni Numancia laban sa mga ito.
- Latest
- Trending