DoJ umaksyon sa ‘killer mayor’
Inatasan ng Department of Justice (DoJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay sa serye ng patayan na kinasasangkutan ng mag-asawang alkalde sa bayan ng Trento Agusan del Sur.
Sinabi ni NBI Director Atty. Nestor Mantaring, maging si Justice Secretary Raul Gonzalez ay nag-atas sa ahensya na tutukan ang nabanggit na kaso na kinasasangkutan nina dating Trento Mayor Escolastico Hitgano Sr. (Lakas-CMD) at asawa nitong si incumbent Mayor Irinea “Nene” Rodenas Hitgano (Lakas-CMD).
Nakahanda rin si Sec. Gonzalez na tumulong upang mapabilis ang pagpapalabas ng arrest warrant laban sa dating alkalde sakaling mapatunayang mayroong mabigat na mga ebidensya sa kinasasangkutang serye ng pagpatay sa mga kalaban sa politika.
Kasabay nito, dumulog na rin ang mga complainants sa NBI na sina Rebecca Sarabia (ina ni Rommel Sarabia na pinapatay noong Mayo 20, 2007 dahil sa pagbaliktad nito sa kalaban ni dating Mayor Hitgano); Candelaria Saranza (misis ni Tony Saranza na pinaslang noong Mayo 22, 1998 dahil sa pagiging campaign manager ni Mayoral bet Francisco Ong).
Inaasahan naman na dadagsa pa ang mga nagrereklamo laban sa mag-asawang Hitgano dahil na rin sa isiniwalat ng self-confessed killer na si Elmo Numancia.
Iprinisinta rin ng NBI ngayon si Elmo Numencia kay DoJ Sec. Gonzalez upang personal nitong isiwalat ang nalaman kaugnay sa serye ng patayan na kinasasangkutan ng mag-asawang Hitgano laban sa mga kalaban sa politika.
Si Elmo Numencia ay una nang nagtungo sa NBI upang ikanta ang mag-asawang Hitgano sa pag-uutos sa kanya na patayin ang mga kalaban nito sa politika, kapalit ng P5,000 at trabaho sa munisipyo.
- Latest
- Trending