Isa na namang “mass grave” ng mga hinihinalang bik tima ng “kangaroo court” ng New People’s Army ang nadiskubre ng Philippine Army sa bulubundukin ng lalawigan ng Compostela Valley.
Sa ulat na ipinarating sa Kampo Aguinaldo, nadiskubre ng mga tauhan ng Alpha company ng 25th Infantry Battalion ng PA ang libingan sa Sitio Tagaytay, Mainit Village sa bayan ng Nabunturan.
Kinilala naman ng isang Rey Catanasan ang labi ng dalawa niyang kapatid na sina Roger at Nathaniel na biktima umano ng pamamaslang ng mga rebeldeng NPA. Isa pang bangkay ang nakilala na si Rolando C. Bisa, tiyuhin ng magkapatid na Catanasan.
Ayon kay Maj. Rolando Rodil, isinailalim sa paglilitis ng kangaroo court ng NPA ang mga biktima noong Oktubre 2001 at hinatulan ng kamatayan sa hindi pa mabatid na krimen.
Posible rin na isinailalim pa sa matinding torture ang mga biktima bago pinaslang sa pamamagitan ng pagbaril sa kanilang ulo.
Nanawagan naman si Rodil sa mga pamilya ng mga labi na nahukay na magsampa ng kaso laban sa mga rebelde upang matigil na ang naturang gawain ng mga ito. Danilo Garcia