CAMP GENERAL NAKAR, Lucena City — Natuklasan ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines, Southern Luzon Command na may mga rebeldeng New People’s Army na lalahok sa barangay elections sa Oktubre 2007.
Ito ang kinumpirma ng mga residente ng Bondoc, Peninsula kay Col. Amado Bustillos, commanding officer ng 74th Infantry Battalion na nakabase sa Catanauan, Quezon na plantsado na ang balak ng makakaliwang grupo sa barangay poll.
Lumilitaw sa mga plano ng mga NPA, na kung mananalo sa pagka-barangay chairman ang kanilang isasabak na miyembro ay madali na nilang makokontrol ang buong barangay at magiging madali na rin para sa kanila ang pangungulekta sa revolutionary tax sa mga residente.
Binanggit ni Col. Bustillos na may mga nakahandang bagong estratehiya ang NPA rebs sa kasalukuyan upang hindi sila masukol ng mga sundalo, itinatago ng mga ito ang kanilang mga baril at saka lamang nila inilalabas kapag may isasagawa silang operasyon.
Ginagawa nila ito upang hindi sila makilalang NPA at maging maluwag sa araw-araw na buhay sa bundok at maging sa kabayanan.
Naniniwala naman ang pamunuan ng AFP na dahil sa pakikipagtulungan ng mga residente sa 3rd district ng Quezon na pinaniniwalaang pinagpupugaran ng NPA rebs ay malabo na ang mga itong makapagsagawa ng plano ngayong nalalapit na barangay election. (Tony Sandoval)