Jueteng lord nagbanta
ZAMBALES — Matapos mapaulat sa pahayagang ito ang pagsulpot ng operasyon ng jueteng sa Zambales ay nagbanta ang operator nito na babarilin ang ilang PSN correspondent na nakabase sa nabanggit na lalawigan.
Ito ang impormasyong na kalap ng PSN sa mapagkakatiwalaang impormante na namutawi sa bibig ng jueteng operator na kinilala lamang sa pangalang “Don Juan” matapos na mabasa nito ang artikulong isinulat ng kolumnistang si Butch Quejada sa Ora Mismo ukol sa kanyang pagpapatakbo ng jueteng.
Bukod pa sa operasyon ng jueteng sa Zambales, si Don Juan ay itinuturing din na jueteng lord sa ilang bahagi ng Luzon at napaulat na malapit na kaibigan ng ilang opisyal ng nasabing provincial government at maging sa kapulisan ng Zambales.
Aabot sa P20-milyon ang nakokolekta ng mga kabo ni Don Juan sa operasyon ng jueteng sa loob lamang ng isang araw mula sa 13-bayan ng Zambales kung saan 3-beses ginagawa ang pagbola kada araw.
Nabatid pa na nagtayo ng private army ang nabanggit na jueteng lord kung kaya’t nangingiming arestuhin ng mga tauhan ng pulisya dahil na rin sa malaking halaga ang ibinibigay sa pamunuan ng pulisya kapalit ng pro teksyon sa kanyang jueteng operations.
Nakatakda namang imbestigahan ng police regional office-3 sa ilalim ni P/Chief Supt. Ismael Rafanan, ang malawakang operasyon ng jueteng sa Zambales kasabay din ang pagsasampa ng kaso ng sumulat na ito laban sa jueteng operator dahil sa ginawang pagbabanta sa buhay ng mga mamamahayag ng PSN. Jeff Tombado
- Latest
- Trending