Pajero ng alkalde kinarnap
PAMPANGA — Kinarnap noong Lunes ang service vehicle ni Tarlac Mayor Genaro Mendoza habang ito’y nakaparada sa Cuchi Avenue, San Sebastian Village, Tarlac City. Sa ulat na isinumite kay P/Senior Supt. Nicanor Bartolome, Tarlac police director, ang kulay puting Pajero na may plakang SEJ 797 ay pinarada sa harapan ng bahay ng drayber ni Mayor Mendoza na si Romeo Dionisio sa Millo Apartment sa nasabing lugar at pagkagising nito ay di na nakita pa ang sasakyan. Ang naturang Pajero ay naging sasakyan ni ex-Mayor Gelacio Manalang noong 2001, ayon pa sa report. Isang crack team ang binuo ni Bartolome, habang inatasan naman ni P/Chief Supt. Ismael R. Rafanan, police regional office director, ang Traffic Management Group-3 para sa madaliang pagrekober ng naturang sasakyan. Ric Sapnu
Kabesa itinumba
BATANGAS — Tinambangan at napatay ang isang barangay captain ng mga di-kilalang kalalakihang sakay ng motorsiklo may ilang metro lamang ang layo sa Tanauan City Hall sa Batangas kahapon ng umaga. Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan si Cezar Agojo, 53, Chairman ng Barangay Cale sa nabanggit na lungsod at naisugod pa sa Daniel Mercado Hospital, subalit idineklarang patay ayon kay Dr. Maria Christina Cabrera. Napag-alamang papasakay na si Agojo sa kulay puting Toyota Corolla na may plakang TKJ-845 na nakaparada sa harap ng isang canteen sa panulukan ng JM Corona at Tindalo Street sa Barangay 3, ilang metro lang ang layo sa city hall nang pagbabarilin. Mabilis na nagsitakas ang mga suspek sakay ng isang Honda wave motorcycle patungo sa di-malamang direksyon. Ayon kay P/Supt. Francisco “Kit” Rodriguez, hepe ng pulisya sa Tanauan City, pulitika naman ang sinisilip na anggulo sa motibo ng krimen. Arnell Ozaeta/Joy Cantos
Pangulo ng asosasyon nilikida
CAMP CRAME — Karit ni kamatayan ang sumalubong sa isang pangulo ng Raicar Transport Association makaraang ratratin ng tatlong di-kilalang kalalakihan sa panibagong karahasan sa Barangay Cuyab, San Pedro, Laguna kamakalawa. Naisugod pa sa Muntinlupa Medical Cener si Arnulfo Hapin, subalit binawian ng buhay habang ginagamot. Ayon sa imbestigasyon, biglang lumapit at pinagbabaril ng mga armadong kalalakihan pero nagawa pang makatakbo ng sugatang biktima na nagtago sa kubo ng kaniyang kapitbahay, subali’t sinundan ito ng dalawa saka pinaputukan ng sunud-sunod. Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 19 basyo ng bala ng baril habang sinisilip ng pulisya ang anggulong alitan sa trabaho ng biktima ang isa sa motibo ng krimen. Joy Cantos
- Latest
- Trending