Sulyap Balita

Mag-ama niratrat sa Cavite
CAVITE – May posibilidad na may malaking atraso kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang mister habang nakaligtas naman ang kanyang anak na babae sa naganap na karahasan sa kahabaan ng lansangang sakop ng Barangay Molino 1, Bacoor, Cavite kamakalawa ng umaga. Nasapol ng bala ng baril ang biktimang si Joel Celino, habang nakaligtas naman ang anak na si Ma. Grace Julianan, 3, kapwa residente ng Barangay San Nicolas ng bayang nabanggit. Ayon kay PO2 Ernesto Caparas, ang mag-ama ay sakay ng kulay puting KIA Pride taxi (PVE-829) nang ratratin ng mga ’di-kilalang lalaki. (Cristina Timbang)
Suspek sa murder timbog
QUEZON – Bumagsak sa kamay ng pulisya ang itinuturing na numero unong most wanted person sa Lucena City sa isinagawang operasyon sa Sitio Malawak Parang, Barangay Ikirin, Pagbilao, Quezon, kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang nadakip na si Ranger Rey Villacera y Peralta, 21, may mga kasong frustrated murder, murder at frustrated homicide. Ayon kay P/Senior Insp. Herman Lequin, hepe ng warrant section ng Lucena PNP, nasakote ang suspek sa pinagkukutaan matapos na makatanggap ng impormasyon sa isang tiktik ng pulisya. (Tony Sandoval)
5 dakma sa illegal logging
BATAAN – Limang kalalakihan ang dinakip ng mga alagad ng batas makaraang maaktuhang nagpupuslit ng mga pinutol na punongkahoy lulan ng bangkang de motor sa karagatang sakop ng Barangay Quinawan sa bayan ng Bagac, Bataan kamakalawa ng hapon. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Rogelio Tamba, Eddie Olayed, Rosauro Suarez, Jeffrey Tamba at Reynante Luterte. Ayon kay P/Senior Supt. Odelon Ramoneda, Bataan police director, nasamsam sa mga suspek ang 29 pirasong malalaking punongkahoy na ipagbibili sa karatig bayan. (Jonie Capalaran)
Lokal na PNP inalerto
CAMARINES NORTE — Nakaalerto ngayon ang mga lokal na pulisya sa kahabaan ng Maharlika Highway na pinaniniwalaang pagdaraanan ng mga sasakyan ng mga militanteng grupo patungo sa Maynila para sa Araw ng Manggagawa. Ipinag-utos ni P/Senior Supt. Noel Constantino, provincial police director na maglatag ng ilang checkpoint para rebisahin ang mga sasakyan na posibleng may mga dalang armas. Kabilang sa mga bayan na lalagyan ng PNP checkpoint ay ang Basud, Daet, Talisay, Vinzons, Labo at Sta. Elena. (Francis Elevado)

Show comments