Kinilala ni P/Supt. Christopher Tambungan, police chief, ang biktimang si John Jesrel Halcon, santaong gulang at anak ng mag-asawang Jesrel at Odessa Halcon ng Sitio Itlogan, Brgy. Cuta, Batangas City.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan ngayon sina Shiela Marie Evangelista, 22, staff Nurse, ng Barangay Gulod, Batangas City at Mark Mendoza, 20, Nursing student ng Our Lady of Fatima School, residente ng Nova Homes Subdivision, San Agustin, Novaliches, Quezon City.
Sa imbestigasyon, bandang alas-8 ng umaga noong Miyerkules ng Marso 7 nang isugod ang bata sa Batangas Regional Hospital (BRH) sa Barangay Kumintang Ibaba dahil sa pagtatae.
Napag-alamang sinaksakan sa katawan ng student nurse na si Mendoza ang bata ng potassium chloride, imbes na paraanin sa dextrose habang nakamasid ang staff nurse na si Evangelista.
Ang potassium chloride ay nakamamatay kapag direktang itinurok sa katawan ng tao tulad ng ginagawa sa parusang lethal injection.
Paliwanag naman ni Dr. Flordeliza Villanueva Castillo, ayon na rin sa kanyang salaysay sa pulis na ang kanyang instruction sa mga Nurse ay i-inject ang potassium chloride sa dextrose ng pasyente.
Dahil sa pagkakamali ng mga Nurse, namatay si Baby Halcon ilang minuto matapos siyang mainiksyunan sanhi ng cardiac arrest
Sa panayam ng PSN kay Dr. Renato Dimayuga, BRH administrator, bumuo na sila ng isang Ad Hoc committee na pinangungunahan ng hospital nursing chief na si Amor Calayan para imbestigahan ang insidente.
Ayon kay Dimayuga, aalamin ng investigating body, kung sino, papaano at gaano karaming chemical ang naibigay sa pasyente na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Maaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang mga suspek batay na rin sa magiging resulta ng post-mortem examination na isinasagawa ng Philippine National Police-Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Laguna. (Arnell Ozaeta)