Lola kinatay ng adik na apo

ABUCAY, Bataan — Hindi naging sagabal ang katandaan ng isang 74-anyos na lola para pagsasaksakin hanggang sa mapatay ng sariling apo na pinaniniwalaang adik sa bawal na gamot sa naganap na karahasan sa Barangay Wawa, Abucay, Bataan kamakalawa ng gabi.

Naisugod pa sa  Catalina Medical Center sa Balanga City, ang biktimang si Josefina Izon y Cabigting, subalit binawian ng buhay dahil sa tatlong saksak sa kaliwang tagiliran at likurang bahagi ng katawan.

Kasong murder naman ang nakatakdang isampa laban sa naarestong suspek na si Ronaldo Villanueva, 24, binata at apo ng biktima at ngayo’y nakakulong sa himpilan ng pulisya sa Abucay.

Sa ulat ni SPO3 Gregorio Gonzaga, deputy chief of police sa bayan ng Abucay, dakong alas-10:05 ng gabi magkasamang nanonood ng telebisyon ang mag-lola sa ibaba ng kanilang bahay nang magtalo ang dalawa at humantong sa pananaksak ng suspek na nairita sa kanyang lola.

Napag-alamang pinagalitan ng lola ang kanyang apo dahil sa lango sa alak at hindi naman nagustuhan ang panenermon sa kanya kaya’t kumuha ito ng kutsilyo at sunud-sunod na inundayan ng saksak hanggang sa duguang bumulagta sa sahig ang matanda. Inamin naman ng mga magulang ng suspek na sumailalim na sa drug rehabilitation ang suspek dahil sa pagkagumon sa ipinagbabawal na gamot. (Jonie Capalaran)

Show comments