Kinilala ni P/Chief Supt. Nicasio Radovan, Region 4-A police director, ang suspek na si William Alde, 38, ng Freedom Park, Barangay Batasan Hills, Quezon City.
Naaresto si Alde kamakalawa sa bisa ng warrant of arrest na pinalabas ni Judge Lerio Castigador ng Naic Regional Trial Court-Branch 15 na may petsang November 19, 2004.
Sa pangunguna ni Supt. Elmer Pelobello, nasakote si Alde sa kanyang bahay bandang alas-10 ng umaga, subalit nagawa nitong makapagbigay ng babala sa mga kasamahan na nakatira sa paligid kaya nakatakas ang mga ito.
Napag-alamang nauna nang naaresto si Alde kasama ang mga miyembro sa gang na sina Alberto Gutang, Ricardo Del Mundo, Dominador Mendez, at Gerry Gayanes matapos na maaktuhang may bitbit na limang panabong na manok na nakaw sa bayan ng Naic, Cavite.
Bukod sa mga panabong na manok ay nakumpiskahan ang mga suspek ng 2 baril, bolt cutter, nylon cords, fishing nets na gamit nila sa modus operandi.
Nasampahan ng kasong theft, illegal possession of firearms, violation of Anti-Fencing Law sina Alde, subalit pansamantalang nakalaya matapos magbayad ng piyansa sa korte.
Simula noon ay hindi na nagpakita pa sa court arraignment ang mga suspek kaya nagpalabas ng warrant of arrest si Judge Castigador. (Arnell Ozaeta)