December 27, 2006 | 12:00am
Foreman kinatay sa palengke |
CABANATUAN CITY Animoy kinatay na baboy ang katawan ng isang 49-anyos na foreman makaraang pagsasaksakin ng isang lalaki na nakaalitan ng biktima sa naganap na karahasan sa loob ng palengke sa Barangay Supermarket sa Cabanatuan City, kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktimang napaslang na si Dominador Aguto y Medina ng Purok 1, Barangay San Juan Accfa, samantalang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Arnold Javier ng Barangay San Jose Norte. Ayon kay P/Supt. Eliseo Cruz, hepe ng pulisya sa nabanggit na lungsod, namimili ang biktima para paghandaan ang nalalapit na Pasko nang lapitan ng suspek na kargador at isagawa ang krimen.
(Christian Ryan Sta. Ana)
Trader dinedo sa tindahan |
BATANGAS Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 56-anyos na negosyante ng mga hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay nasa loob ng kanyang tindahan sa Barangay Soro-Soro Ilaya, Batangas City kamakalawa ng gabi. Hindi na naisugod pa sa ospital ang biktimang si Abden Panaligan matapos na upakan ng mga maskaradong kalalakihan dakong alas-9 nag gabi. Sa ulat ni P/Senior Supt. Christopher Tambungan, hepe ng Batangas City PNP, posibleng may matinding galit ang mga killer sa biktima, subalit hindi inaalis ang anggulong may kinalaman sa negosyo ang pamamaslang.
(Arnell Ozaeta)
2-katao dedo sa karahasan |
CAVITE Dalawang sibilyan ang iniulat na nasawi sa naganap na karahasan sa pagsapit ng Kapaskuhan sa magkahiwalay na lugar sa bayan ng Dasmariñas at Kawit, Cavite kamakalawa. Ayon sa ulat, napagtripang saksakin hanggang sa mapatay ang isang 19-anyos na si Jefferson Joaquin ng suspek na si Jaime Marquez na pinanininiwalaang lango sa droga, habang ang biktima ay naglalakad kasama ang ilang miyembro ng kanyang pamilya sa bahagi ng Sitio Piela, Barangay Sampaloc 3, Dasmariñas, Cavite. Samantalang ang biktimang si Ernesto Del Rosario Jr., ay binaril at napatay ng suspek na si Crisanto Claudio matapos na magkainitan sa inuman ng alak sa Barangay Toclong, Kawit, Cavite kamakalawa. Kasalukuyang tugis ng pulisya ang mga suspek na sangkot sa krimen.
(Cristina Timbang)