3 sinisiyasat sa brodkasters slay
December 23, 2006 | 12:00am
CAMP CRAME Kasalukuyang sumasailalim sa imbestigasyon ang tatlong sibilyang isinasangkot sa pagpaslang kay dzJC Aksyon Radio reporter na si Andy Acosta sa bayan ng Batac, Ilocos Norte noong Miyerkules ng gabi. Ito ang inihayag kahapon ni P/Chief Supt. Leopoldo Bataoil, police regional director, Gayunman, tumanggi muna ang opisyal na tukuyin ang pagkikilanlan ng mga suspek na residente ng Barangay Bil-loca sa bayan ng Batac. Kaugnay nito, nagsasagawa nang pagsusuri ang PNP Crime Laboratory sa Camp Crame upang mabatid kung tutugma sa dugo ni Acosta ang nakuhang mga sample ng dugo sa crime scene. Magugunita na si Acosta ay pinaslang habang pauwi sakay ng motorsiklo mula sa bayan ng Batac matapos itong harangin at pagsasaksakin ng hindi pa nakilalang suspek noong Miyerkules ng gabi. (Joy Cantos)
CAMARINES NORTE Walo-katao na pinaniniwalaang mangangaroling ang iniulat na nasugatan matapos na mahagip ng pampasaherong bus ang sinasakyang dyipni ng mga biktima sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Lag-on, Daet, Camarines Norte kamakalawa ng gabi. Kabilang sa mga biktima naisugod sa Camarines Norte Provincial Hospital ay sina Lito Austria, 61; Eldred de Leon, 56; Romeo Gerona, 51; Racquel Abanto, 39; Lolita Abrera. 43; Elsa de Leon; Jesus Allaga, at Tony Abanto na Brgy Bagasbas at drayber na pawang sakay ng pampasaherong dyip may plakang EVB 473. Pormal naman kakasuhan ang drayber ng Elavil Bus Transit (EVV-218) na si Renne Zantua. Napag-alamang biglang tumawid ang sasakyan ng mga biktima kaya naghagip ng bus. Wala naman iniulat na nasugatang pasahero sa nasabing bus na sumalpok naman sa barangay outpost. (Francis Elevado)
CABANATUAN CITY Isa na namang barangay chairman na tumataong pangulo ng Association of Barangay Chairmen (ABC) ang binaril at napatay ng nag-iisang suspek habang ang biktima ay naglalakad patungo sa kanyang sasakyang nakaparada sa harap ng gasolina sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Daan Sarile, Cabanatuan City, noong Huwebes ng gabi. Napuruhan sa kanang sintido ang biktimang si Barangay Chairman Augusto "Ogie" Santiago y Buenaventura, 52, may-asawa, at residente ng Burgos Avenue, Barangay Sangitan West. Napag-alamang papauwi na sana ang biktima at ang kaibigang si Barangay Chairman Ernesto Ferrer mula sa sabungan nang lapitan nag-iisang armadong lalaki bago isigawa ang krimen, ayon sa hepe ng pulisya na si P/Supt. Eliseo Cruz. (Christian Ryan Sta. Ana)
SAMAR Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 54-anyos na jail custodian sa Samar Provincial Jail ng dalawang hindi kilalang lalaki sa naganap na karahasan sa Grandstand Gate, Ubanon District 1, Catbalogan, Samar kamakalawa ng gabi. Apat na bala ng baril sa dibidib at likuran bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ni Policarpio "Poli" Parambita y Dasig. Sa inisyal na imbestigasyon ni Gaudencio Vencio, masayang nakikipag-inuman ng alak ang biktima kina Alfredo Talagon at Jun Corales nang lapitan at pagbabarilin ng isang hindi kilalang lalaki. Hindi nakapalag ang dalawang kaibigan ng biktima at maging ang asawat anak ay napatulala sa naganap na pamamaslang. Palakad na lumayo ang dalawang killer patungo sa direksyon ng Samar High School. May posibilidad na isinagawa ang krimen dahil sa pakikipagtulungan ng biktima sa pulisya na madakip ang isang most wanted sa nabanggit na lugar. (Maricel Castillo)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest