7 NPA rebs tumba sa bakbakan

TACLOBAN CITY – Aabot sa pitong rebeldeng New People’s Army sa ilalim ng Arnulfo Ortiz Command na may operasyon sa kabundukan ng Samar ang iniulat na napaslang sa madugong bakbakan laban sa tropa ng military sa liblib na bahagi ng Barangay Tubang, Silvino Lobos, Northern Samar kahapon, ayon sa ulat.

Ayon kay Major Felix Mangyao, tagapagsalita ng Army’s 8th Infantry Division sa Camp Vicente Lukban Maulong, Catbalogan, Samar, pabalik na ang mga sundalo sa mother unit na Bravo Company sa Matuguinao, Samar mula sa combat operations nang mapasabak sa mga rebelde.

Hindi naman kaagad nakilala ang mga sugatang sundalo, subalit kinumpirma ni Matuguinao, Samar, vice mayor na may mga rebeldeng napatay na bitbit ng kasamahang rebelde base na rin sa impormasyon mula sa mga residenteng nakasaksi sa insidente.

Rumesponde naman ang mga sundalo ng 34th Infantry Battalion bago nakubkob ang kampo ng NPA na binubuo ng 30 bunkers na maaring pagkasyahan ang may 90 katao. Patuloy naman ang isinasagawang hot pursuit operations ng tropa ng sundalo laban sa mga rebelde. (Joy Cantos at Miriam Desacada)

Show comments