Nabatid na hiniling ni Justice Secretary Raul Gonzalez sa Korte Suprema na maipalipat ang paglilitis sa isyu ng seguridad.
Batay sa isang pahinang liham ng kalihim kay Chief Justice Artemio Panganiban, hiniling nito na iutos ng mataas na hukuman ang pagpapalipat ng kaso mula Cotabato, Basilan at Zambaonga sa mga korte sa Metro Manila.
In view of the fact that the accused are considered high risk terrorist personalities affiliated with foreign terrorist organization (FTO) and implicated in several bombing activities, may I request for the transfer of the above-captioned cases from Mindanao to Metro Manila, anang liham.
Ipinaliwanag ni Gonzalez na nangangamba siya sa panganib na posibleng maganap kayat hiniling niya nai-transfer ang venue ng mga kasong People vs. Haji Hamid Zulhamid alias Hamid Zulmahid Nasser na may kaugnayan sa pagpapasabog sa public market ng General Santos City, na nagresulta sa pagkasawi at pagkasugat ng ilang mamamayan doon.
Ang kaso ni Haji Zulhamid ay nakabinbin sa Cotabato City Regional Trial Court (RTC) Branch 13.
Nasa Branch 25 naman ng Zamboanga City RTC ang kasong People vs Amilhamja Ajijul alias Alex Alvarez/Fernandez/Alex/Abu Jamil kaugnay sa pambobomba sa Zamboanga City.
Habang ang People vs. Asraf Kunting alias Abu Ramadan/Abu Abdul/Abu Admad ay nakabinbin sa Branch 32 ng RTC Isabela, Basilan.
Iginiit pa ng DOJ na ang katulad ng mga nasabing personalidad na kasapi ng terrorist groups na Al Qaeda at ng Jemaah Islamiyah ay may kakambal na panganib kung doon isasagawa ang pagdinig. (Ludy Bermudo)